top of page
Search

Ang Tindera

  • Veronica Aguiwas
  • Nov 17, 2015
  • 2 min read

Anumang pagod kakayanin, anumang hirap titiisin. Kahit anong sakripisyo ay ating gagawin, para lamang maitaguyod at mapasaya ang pamilya natin. Halos araw-araw tayong naghahanap-buhay hindi lamang sa ating pansariling kapakanan kundi dahil rin sa kanila. Hindi biro ang paghahanap buhay o ang pagtatrabaho. Mahalaga ito sa ating mga Pilipino. Dito natin kinukuha ang ating mga panggastos sa pagkain, kuryente, tubig at iba pa. Marahil ito rin ang dahilan kung bakit malaki ang pagpapahalaga nating mga Pilipino sa pagkakaroon ng hanap buhay, gaano man ito kahirap o kabigat. Mas iniisip na lamang natin ang magiging bunga ng ating mga pagsusumikap. Mas binibigyan natin ng pansin ang mga bagay na kakahahantungan ng araw-araw nating pagising ng maaga, pag biyahe at pagpupuyat.


Gawin nating halimbawa ang isang araw sa buhay ng pagiging tindera ng isda. Alas tres pa lamang ng madaling araw ay humihigop na ng ng mainit na kape bilang pampagising at pagkatapos ay maghihilamos na at dederetso sa palengke. Madadatnan ang mga kapwang tindero't tindera na may mga ngiti sa mukha at di alintana ang pagkadismaya sa hindi pagkakaroon ng mahabang pagtulog o ang malansang amoy ng mga karne't isda. Pagdating sa pwesto ay masinsing itong lilinisin upang mailatag na ang kaniyang mga mahal na paninda. Unti-unti nang darating ang mga suking mamimili, may matanda, may nanay, at mayroon ding mga bata. "Ano sa'yo suki?" "Suki bili ka na, murang mura lang!" ang paulit-ulit na linyang may kasamang ngiti upang makahikayat ang mga mamimiling dumaraan at napapatingin sa kanyang pwesto't mga paninda. Nagsisimula nang marinig ang boses at ingay ng palengke. "Magkano sa bangus?" "One-fifty na lang sayo suki" "Ang mahal naman! Isang daan na lang!" Hindi rin mawawala ang mga eksenang pakikipagtawaran. Kaliskis dito, kaliskis doon. Makikita ang mga tinanggal na mga hasang bituka at mga tinik.


Tanghali na't patuloy pa rin sa pagtatrabaho. Magpapahinga ng kaunti, mananaghalian, kakain ng paboritong ulam mula sa suking karinderya. Babalik sa pwesto't uulit-ulitin muli ang mga linyang naghihikayat ng mga mamimili, hanggang sa maubos ang mga paninda pagdating ng hapon. Pagod, amoy pawis at amoy isdang uuwi sa bahay, ngunit dala ang kitang pinaghirapan sa buong araw. Kinabukasa'y marahil ganun ulit ang magiging takbo ng istorya ng kaniyang pagiging tindera ngunit ang katapusa'y ang pagkakaroon ng sapat na kita upang itaguyod ang pamilyang pinakamamahal. Anumang pagod kakayanin, anumang hirap titiisin. Kahit anong sakripisyo ay ating gagawin, para lamang maitaguyod at mapasaya ang pamilya natin.


 
 
 

Comentarios


Featured Posts
Check back soon
Once posts are published, you’ll see them here.
Recent Posts
Archive
Search By Tags
Follow Us
  • Facebook Basic Square
  • Twitter Basic Square
  • Google+ Basic Square

© 2015 by litratista PHOTOGRAPHY

bottom of page